-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sinita ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Iloilo City Government dahil sa umano’y hindi pakikipag-ugnayan sa pagluwag sa protocol.

Nabatid na nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) status pa kasi ang lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Cedric Jaranilla, legal officer ng DILG-Region 6, sinabi nito na wala silang natanggap na sulat mula kay Iloilo City Mayor Jerry Trenas na bubuksan ang mga non-essential establishment gayong ipinagbabawal ito sa Omnibus Guidelines sa pagpapatupad ng community quarantine sa Pilipinas.

Napag-alaman na personal na humingi ng pabor si Mayor Trenas kay Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Chief implementer Carlito Galvez Jr., upang luwagan ang protocol sa lungsod dahil marami na umano ang nagugutom.

Nilinaw naman ni Jaranilla, na walang masama sa ginawa ng alkalde ngunit nararapat aniya na sundin nito ang Omnibus Guidelines at huwag basta-basta gumawa ng hakbang na walang pahintulot ng DILG.