-- Advertisements --

Naglabas na ng kani-kanilang Transparency Portal ang PhilHealth at Social Security System (SSS) matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng serye ng transparency platforms para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda , ang mga portal ng DPWH, PhilHealth, at SSS ay bahagi ng direktiba ng Pangulo na gamitin ang teknolohiya upang labanan ang korapsyon, gawing mas episyente ang serbisyo ng gobyerno, at palakasin ang tiwala ng publiko.

Sinabi ni Aguda na inilunsad ang DPWH Transparency Portal noong Nobyembre 24 bilang bahagi ng kampanya para sa open government, habang nitong Martes ay inilabas naman ang mga transparency portal ng PhilHealth at SSS.

Inilarawan ni Aguda ang mga portal bilang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng digital governance ng bansa. Layunin nitong gawing mas bukas at madaling maunawaan ang impormasyon tungkol sa budget at paggastos ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Aguda na ang mga portal ay gumagamit ng artificial intelligence upang agad na makapagbigay ng paliwanag at tugon sa mga katanungan ng publiko tungkol sa paggamit ng pondo ng pamahalaan. Mayroon itong visual dashboard na nagpapakita ng breakdown ng budget at AI-powered chatbot na maaaring magpaliwanag sa English, Filipino, o Taglish.

Ayon sa DICT, magiging accessible ang mga portal sa websites ng DPWH, PhilHealth, SSS, at sa open.gov.ph. Inaasahan ding maglulunsad ng kani-kanilang transparency portals ang iba pang ahensya sa mga susunod na linggo.

Sinabi ni Aguda na inaasahang makatutulong ang mga portal sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko, pag-iwas sa anomalya, pagpapabilis ng reporting, at pagpapatatag ng kampanya kontra korapsyon. Dagdag pa niya, nagsimula na ring mag-livestream ng procurement bidding ang DICT bilang bahagi ng pagpapalawak ng transparency, na sinusundan na rin ng ilang lokal na pamahalaan.