Itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ilalagay sa hospital arrest o binigyan ng preferential treatment ang dating mambabatas na si Arnolfo Teves Jr. matapos siyang ma-discharge mula sa Philippine General Hospital (PGH).
Sa isang statement, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na pinayagan na ng ospital na ma-discharge si Teves kayat fit na ito para sa incarceration o pagkakakulong.
Binigyang diin din ng kalihim na habang nasa loob ng kulungan si Teves walang anumang preferential treatment sa kaniya at tratratuhin siya gaya ng iba pang preso.
Patuloy naman aniyang titiyakin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kaligtasan ni Teves at lahat ng persons deprived of liberty (PDLs) sa kanilang kustodiya.
Nitong Martes, sinabi ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na binigyan na ng clearance ang kaniyang kliyente na ma-discharge mula sa PGH at ngayong Miyerkules, nakabalik na sa kaniyang detention cell si Teves sa BJMP sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Matatandaan na nakaranas si Teves ng abdominal pains at mananatiling babantayan ang kaniyang kalusugan matapos sumailalim sa appendectomy sa PGH noong Hunyo 18.
Kasalukuyan ngang nahaharap ang dating mambabatas sa patung-patong na mga kaso kabilang ang kasong murder may kaugnayan sa umano’y pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa kung saan siya ang itinuturong mastermind sa krimen gayundin ang mga kasong may kinalaman sa illegal possession of firearms and explosives.