CEBU CITY – Bukas ang alkalde ng Madredejos, Cebu sa “fact finding” na isasagawa ng Department of Interior and Local Government (DILG) patungkol sa nagsiksikang mga residente sa naganap na “mini suroy-suroy” noong nakaraang linggo.
Una nang naging usapan sa social media ang pagbisita ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isla ng Bantayan sa nasabing event kung saan siksikan ang mga tao at hindi umano ipinatupad ang physical distancing.
Pero sa paggiit ni Sec. Roque, sinunod ng mga residente ang pagsuot ng face mask nang ito ay humarap sa kanila.
Ayon kay Mayor Salvador dela Fuente, nagpaalala naman ito sa mga residente hinggil sa pagtalima sa mga health protocols ngunit hindi nasunod dahil sa diumano’y kanilang kagalakan.
Bukod kay Roque, kasama sa idinaos na tourism event na pinangunahan ng Cebu Provincial Government ang ilang opisyal ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV), at maging ang ilang kandidata ng Miss Universe Philippines 2020.
Dagdag pa ni dela Fuente na hindi nila nakontrol ang nagsisiksikang mga residente kahit na sila ay nagsuot ng face mask.
Hiling nito ngayon na huwag nang maulit ang pangyayari lalo na at mahigpit nilang iniiwasan ang mas pagkalat ng coronavirus sa bayan.