-- Advertisements --

Digital advocates, kinondena ang umano’y “business as usual approach” ng ilang BPO companies kasunod ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu; Pagsampa ng kaso sa hindi bababa 10 kompaniya, suportado

Kinondena ng Digital Pinoys ang umano’y sapilitang pagpapabalik sa trabaho ng ilang BPO companies kasunod ng magnitude 6.9 na lindol noong Martes ng gabi sa Cebu .

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, Digital Pinoys campaigner, sinabi nitong ang aksyon ng mga kompanyang ito ay hindi lamang hindi makatarungan, kundi may malubhang epekto sa kaligtasan at dignidad ng mga manggagawa.

Tinukoy pa ni Gustilo na malinaw na nagpapakita ito ng paglabag sa mga karapatan ng mga empleyado, lalo na sa gitna ng kalamidad.

Binigyang-diin pa niya na ang kaligtasan ng mga manggagawa ay hindi dapat isakripisyo, at walang puwang ang ganitong mga aksyon sa isang bansa na nagsusulong ng mga karapatan at proteksyon para sa mga manggagawa.

Samantala, suportado naman ng digital advocates ang pagsasampa ng reklamo ng BPO Industry Employees Network (BIEN) – Cebu laban sa hindi bababa sa 10 business process outsourcing companies sa Department of Labor and Employment-7.

Nananawagan pa ito sa gobyerno na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang tiyakin na ang mga kumpanya ay mananagot sa kanilang mga paglabag sa karapatan at kaligtasan ng mga manggagawa, lalo na sa mga panahon ng sakuna.