-- Advertisements --

Patuloy na kumikilos ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Region VIII para maibalik ang mahalagang serbisyo ng internet connection sa mga lugar na labis na naapektuhan sa Probinsya ng Biliran dahil sa pananalasa ng nagdaang Bagyong Opong.

Ang agarang pagtugon na ito ay naglalayong maibalik ang komunikasyon at magbigay ng tulong sa mga residente at ahensya ng gobyerno sa probinsya.

Ayon sa DICT, sila ay aktibong nakipag-ugnayan at nagkaroon na ng pag-uusap kay Biliran Provincial Governor Dr. Roger Espina hinggil sa posibleng deployment ng Starlink Satellite internet service partikular na sa Bayan ng Kawayan.

Ang Starlink, bilang isang makabagong teknolohiya, ay inaasahang magbibigay ng mabilis at maaasahang internet access kahit sa mga liblib na lugar.

Bukod pa rito, ang DICT Region VIII ay nagsagawa na rin ng mahalagang pulong kasama sina Kawayan Mayor Rudy Espina at Maripipi Mayor Joseph Caingcoy upang masusing planuhin ang setup ng Starlink satellite internet at magtayo ng mga kinakailangang power station.

Ang inisyatibong ito ay naglalayong magdala ng internet access sa mga lugar na kasalukuyang walang koneksiyon o limitado ang access dahil sa mga pinsalang dulot ng bagyo.