-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology ang kanilang kahandaan sa epektong dulot ng Super Typhoon Nando. 

Sineguro ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Henry Rhoel Aguda na sila’y nakaalerto at nakabantay sa hagupit ng bagyo. 

Aniya’y in-activate na nila ang Government Emergency Communications Systems bilang tugon sa posibleng pinsala lalo na sa linya ng komunikasyon.

Habang naka-deploy na rin ang nasa 15 Mobile Operations Vehicle for Emergencies nito bilang bahagi sa pagtugon kung sakali man. 

Kaya’t inihayag pa ng kalihim na patuloy ang monitoring ng kagawaran upang hindi matigil o maunsami ang serbisyong hatid ng iba’t ibang mga telecommunications. 

Makakaasa umano ang publiko na magpapatuloy pa rin ang serbisyo sa kabila ng posibleng maging epekto o hagupit ng bagyo. 

Sa naging pag-iikot naman ng Bombo Radyo sa lungsod ng Maynila, kapansin-pansin ang pagbagsak ng tubig ulan na sinabayan pa ng bahagyang paghagupit ng ilang malalakas na hangin. 

Ang ilang kalsada sa Taft Avenue bahagi ng Quirino at United Nations ay may mangilan-ngilan naiipong tubig na siyang nagdudulot ng pagbaha buhat ng pag-ulan. 

Samantala, sa naganap namang gulo sa Maynila kasabay ng malawakang ‘anti-corruption rally’, inihayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na mayroon na itong grupong iniimbestigahan. 

Ayon kay Acting Exec. Dir. Renato ‘Aboy’ Paraiso, kanilang tinututukan ang ‘Black Mask Movement’ na siyang kabilang umano sa mga nanggulo at pati na rin sa insidente ng hacking. 

Makikipag-ugnayan aniya raw sila sa Philippine National Police upang makumpirma at maberipika ang impormasyon patungkol sa grupo. 

Bunsod nito’y tiniyak ng naturang ahensiya na mayroong kapasidad silang matukoy ang pagkakakilanlan pa ng mga indibidwal na nakikiisa sa panggugulo. 

Ibinahagi ni Acting Exec. Dir. Renato ‘Aboy’ Paraiso, sa pamamagitan ng kanilang facial recognition ay kayang malaman at makilala ang mga ito gamit ang makokolektang mga video.