Halos tapos na ang mga telco provider sa Cebu sa kanilang isinasagawang restoration ng mga serbisyo sa mga lugar na labis na naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol kamakailan.
Base sa ulat na inilabas ng Department of Information and Communications Technology o DICT, umabot na sa 92% ang naibalik na serbisyo ng DITO, 93% naman sa Globe, at 90% sa Smart, base sa datos hanggang noong ika-2 ng Oktubre.
Nagpaabot ng kanyang pasasalamat si DICT Secretary Henry Aguda sa lahat ng tatlong telco providers dahil sa kanilang mabilis na pagresponde at pagkilos upang maibalik ang komunikasyon sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Secretary Aguda, ang agarang pagbabalik ng serbisyo ng komunikasyon ay nagbigay ng malaking tulong upang mapabilis ang ugnayan ng mga mamamayan, ang pagbabahagi ng importanteng impormasyon, at ang paghahatid ng kinakailangang tulong sa ating mga kababayan sa Cebu na naapektuhan ng malakas na lindol at mga aftershock nito.
Dahil sa mabilis na aksyon ng mga telco, mas napadali ang pagbangon ng mga komunidad na nasalanta ng kalamidad.