-- Advertisements --

Nagbigay paalala ang Department of Information and Communications Technology sa publiko ngayong ginugunita ng karamihan ang Semana Santa.

Sa isinapublikong pahayag ng naturang kagawaran, pinaalalahanan nito ang mga mamamayan sa bansa na ingatan ang sarili lalo na pagdating sa cyberspace.

Kung saan binigyang diin ng DICT ang kahalagahan ng pagbibigay importansya sa digital well-being ng isang indibidwal kasabay ng pagdiriwang sa mga banal na araw.

Nakapaloob sa kanilang mensahe na sakali mang makaenkwentro ng mga ‘too good to be true’ na websites, payo nila na ito’y iwasan ng i-click pa.

Maging ang pagse-share ng current location sa mga social media posts ay ipinaalalang pag-isipan munang maigi bago isapubliko.

Ang pagpost rin anila sa mga social media platforms ay dapat tiyakin ang respeto at payapang pakikitungo ukol sa religious events.

Kaugnay sa paalalang ito, bahagi pa ng kanilang pahayag na isumbong kaagad sa kanilang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC hotline kung makatagpo ng mga kahina-hinalang contents online.