Posibleng hindi na raw gawing mandatory ang pagsusuot ng facemasks sa huling quarter ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez Jr., posibleng ito ang maging direktiba ng pamahalaan kung ligtas na ang lahat laban sa nakamamatay ng virus.
Puwede raw itong isagawa sa susunod na administrasyon para mapaghandaan ito nang maayos.
Una rito, ipinanukala ni Galvez na siya ring National Task Force against COVID-19 chief implementer na doblehin ang suot na facemasks sa campaign period dahil posibleng magsiksikan ang mga supporters ng mga kandidato sa mga isasagawang kampanya.
Una rito, pinag-aaralan na ng Inter Agency Task Force (IATF) na ibaba na sa Alert Level 1 ang status sa National Capital Region (NCR) kapag patuloy ang pagbaba ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ilalim ng Alert Level 1, maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns, lahat ng mga establisimiyento, persons o activities ay papayagan nang mag-operate, magtrabaho o magsasagawa ng full on-site o venue/seating capacity bastat napapanatili ang minimum health standards.