Maghahain ng panibagong protest ang Pilipinas laban sa mapanganib na aksiyon ng China sa Scarborough Shoal noong Lunes, Agosto 11.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Maria Theresa Lazaro, nasa proseso pa lang sila ng posibleng paghahain ng bagong protest laban sa China subalit sa ngayon ay nagiging maingat sila sa isyu kasabay ng pagpapahayag ng pagiging bukas ng bansa para magsagawa ng diplomatikong dayalogo sa China bilang pinakamainam na gawin sa ganitong sitwasyon.
Naniniwala si Sec. Lazaro na dapat pairalin ng parehong panig ang dalawang nangingibabaw na conventions kabilang ang International Regulations for Preventing Collisions at Sea gayundin ang Safety of Life at Sea Convention.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa sidelines ng exchange notes sa Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan nitong Martes, Agosto 12.
Matatandaan, nangyari ang panibagong insidente ng panghaharass ng Chinese Navy warship at China Coast Guard vessel 3104 laban sa BRP Suluan malapit sa Scarborough shoal noong Lunes.
Kung saan ang CCG vessel na tinatangkang itaboy ang barko ng Pilipinas sa pamamagitan ng pambobomba ng water cannon ay nabangga ng barkong pandigma din ng China.
Nagresulta ito sa pagkawasak ng forecastle ng CCG vessel, bagamat sa ngayon wala pang kumpirmasyon mula sa China kung may nasugatang crew mula sa insidente.