-- Advertisements --

Naghahanda na ang legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa nalalapit na confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands na gaganapin sa Setyembre 23.

Kinumpirma ito ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang talumpati sa pagtitipon ng Filipino community sa Kuwait.

Bukod dito, ibinunyag rin ni VP Sara na may isa pang dokumentong inihahanda ng defense team, ngunit hindi pa nila ito inilalahad dahil hindi pa ito naipapasa sa korte.

Binanggit din ng Bise Presidente ang mga naunang hakbang ng defense team, gaya ng pagkwestyon sa hurisdiksyon ng ICC at ang kahilingan para sa pansamantalang paglaya ng dating pangulo.

Nakatakda ngang muling humarap sa ICC Pre-Trial Chamber 1 ang dating Pangulo sa susunod na buwan para sa confirmation of charges kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.