Hindi na umano maghahain ng anumang protesta si Sen. Joseph Victor Ejercito, makaraang hindi na umabot sa rank 12 ng senatorial race.

Ito’y sa kabila ng ilang aberya sa halalan at sa pakiramdam ni Ejercito na nanalo siya dahil sa overwhelming na suporta sa social media at pahayag ng mga kaibigan sa Kongreso.

Aminado ang outgoing senator na kung hindi ang kaibigang si Sen. Nancy Binay ang nasa pang-12, tiyak na napaka-vocal at assertive niya sa nangyaring bilangan sa Comelec.

Iginiit naman nitong dapat pa ring magpaliwanag ang Comelec sa pitong oras na delay sa release ng data.

Kwento ng mambabatas, nasa rank 12 siya nang makatulog at paggising ay laglag na siya sa magic 12.

Aniya, tulad ng nangyari sa mga nagdaang halalan dapat na ipaliwanag ito ng poll body para sa darating pang mga halalan.