Handa ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpadala ng mga modular shelter units sa mga naapektuhan nang malakas na lindol sa Davao Oriental noong Oktubre 10.
Ipinag-utos na ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang pag-mobilize ng isang team mula sa Central Office at Regional Office 11 upang tukuyin ang eksaktong tulong na kailangan ng mga apektadong lokal na pamahalaan (LGUs) sa Davao Oriental, sa koordinasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno at mga non-government organizations.
Ang modular shelters ay magsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga pamilya na nawalan ng tahanan dahil sa magnitude 7.4 at 6.8 na lindol.
Itatayo ang mga modular sa loob ng mga Bayanihan Villages na itatalaga ng mga LGUs.
Ayon kay Aliling, nakikipagtulungan ang DHSUD sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-government organizations upang matiyak na maayos na maibibigay ang tulong sa mga biktima.
Nagsimula na rin ang DHSUD sa pagtatayo ng Bayanihan Villages sa tatlong bayan at isang lungsod sa Cebu na tinamaan din ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30.
Ang mga MSUs ay inilaan para sa Bogo City at mga bayan ng Daan Bantayan, San Remegio, at Medellin.