-- Advertisements --

Nanindigan si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na walang kapangyarihan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magkansela ng pasaporte ng kahit sino maliban kung may utos ng korte.

Ito ay dahil sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na maaaring kanselahin ng DFA ang pasaporte ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co para managot sa isyu ng flood control.

Ayon kay Ridon, kahit pa kasama sina dating presidential spokesperson Harry Roque o Co, dapat pa ring sundin ang tamang proseso.

Ipinaliwanag niya na walang nakasaad sa Konstitusyon o sa Philippine Passport Act na maaaring magkansela ang DFA ng pasaporte nang walang utos ng korte.

Bilang chairperson ng House Committee on Public Accounts, binigyang-diin ni Ridon na dapat sundin ng DFA ang mga alituntunin ng batas.

Sinabi niya na ang pagkansela ng pasaporte ay maaari lamang ipatupad kung may kaso at arrest warrant.

“Para makansela ang mga pasaporte nila, kailangang sundin ang proseso sa Passport Act — kasuhan si Zaldy Co at ipatupad ang arrest warrant ni Harry Roque,” dagdag pa ni Ridon.