Lumobo pa sa 245,954 na overseas Filipinos ang naiuwi na sa bansa matapos maapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), naitala ang nasabing datos mula February hanggang November 8.
Sinabi ng kagawaran na aabot sa 8,591 ang napauwing overseas Filipinos sa unang linggo ng Nobyembre.
Ang mga overseas Filipinos, na nanggaling sa Middle East, Asia-Pacific, at Europe, ay sakay sa 39 special commercial repatriation flights.
Maliban dito, matagumpay ding naisagawa ang medical repatriation ng overseas Filipinos mula sa Cuba, Brunei, Pakistan, at Bahrain.
Samantala, napauwi rin sa bansa ang mga biktima ng trafficking-in-persons sa Damascus, Syria sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Damascus.
Saad ng DFA, patuloy pa rin ang repatriation sa mga nais umuwi ng Pilipinas.
Nag-abiso rin ang DFA sa sinumang overseas Pinoys na gusto nang makauwi ng Pilipinas na maaari nilang ipagbigay-alam ang kanilang intensyon sa embahada o konsulado sa kanilang lugar.