Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) walang Filipino ang nasaktan kasunod ng pamamaril sa Bondi Beach, Sydney, Australia, na nag-iwan ng 12 nasawi at 30 sugatan.
Ang insidente ay naganap noong Disyembre 14, sa panahon ng isang pagdiriwang ng Hanukkah ng mga Jewish community kung saan maraming tao ang nagtipon.
Ayon kay New South Wales Police Commissioner Mal Lanyon, isang suspek ang napatay sa lugar, at isa pa ang nasa kritikal na kondisyon.
Iniimbestigahan pa kung may kasamang pangatlong gunman ang mga suspek. Natagpuan rin ng mga awtoridad ang mga umano’y ginamit na improvised explosive devices sa lugar.
Kinondena naman ni Prime Minister Anthony Albanese ang insidente, na tinawag niyang isang targeted assault laban sa Jewish community.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang DFA sa mga biktima at kanilang pamilya, at pinaalalahanan ang mga Filipino sa Sydney na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.
Pinaalalahanan din ang mga nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan sa Philippine Consulate General sa Sydney.
















