-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon sa Venezuela kasunod ng malawakang pag-atake ng Estados Unidos.

Nanawagan din ang Pilipinas sa lahat ng sangkot na panig ng pagpipigil o pagtitimpi at lutasin ang alitan sa mapayapang paraan upang maiwasan ang paglala ng tensyon.

Tiniyak ng DFA na handa ang Philippine Embassy sa Bogotá, Colombia, na nagsisilbing non-resident mission para sa Venezuela, na tumulong sa mga Pilipino doon.

Naglabas na rin ang embahada ng travel at safety advisory, na humihikayat sa mga Pilipino na manatiling alerto, updated, at panatilihin ang emergency contacts.

Sa kasalukuyan, nakapagtala ang DFA ng 74 na Pilipino sa Venezuela.

Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasunod ng inilunsad na strike ng US sa kabisera ng Venezuela noong araw ng Sabado na nagresulta sa pagkaaresto ni Venezuelan President Nicolas Maduro kasama si First Lady Cilia Flores.

Dinala si Maduro sa US upang humarap sa mga kaso laban sa kaniya kabilang ang narco-terrorism conspiracy, na kanyang mariing itinanggi, kasabay ng pahayag na layon lamang ng US na kontrolin ang langis ng Venezuela.