-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ng Department of Justice ang panibagong preliminary investigation kaugnay sa kahiwalay pang mga kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Umaga pa lamang ay dumating sa kagawaran ang isa sa mga respondents na si former Senator Bong Revilla.

Sa kanyang personal na pagpunta, isinumite nito ang ‘counter-affidavit’ kaugnay sa pagkakasangkot sa sinasabing mga proyektong may anomalya sa Bulacan.

Bagama’t hindi na nagbahagi ng anumang kumento ang senador, iginiit naman ng tagapagsalita nito na walang basehan ang mga alegasyon o reklamo isinampa sa kanya ng National Bureau of Investigation.

Ayon kay Atty. Francesca Lourdes, Spokesperson ni former Sen. Bong Revilla, nakabatay lamang raw sa ‘here say’ o sabi-sabi at ‘unreliable source’ ang reklamo laban sa dating mambabatas.

Dahil rito’y naniniwala ang kampo ng dating mambabatas na hindi na ito matutuloy pa bilang kaso sa korte sapagkat mababasura na lamang ang naturang reklamo.

Habang ngayong araw rin ay dumating ang isa pang mambabatas na si Senador Joel Villanueva na isa rin sa mga respondents sa reklamo ng anomalya.

Personal nitong inihain ang ‘counter-affidavit’ bilang tugon sa mga alegasyon nakapaloob sa reklamong isinampa ng National Bureau of Investigation Public Works and Bid Rigging Task Force.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ramon Esguerra, kalakip ng kontra-salaysay ang magpapalakas sa pahayag na walang matibay na ebidensya magtuturo sa Senador bilang sangkot sa anomalya.

Dito anila raw mapapatunayan na walang tinanggap na anumang halaga ng pera si Senador Villanueva nanggaling sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.

Dagdag pa sa ng naturang abogado na ang reklamo ay mayroong ‘inconsistencies’ umano lalo na sa mga salaysay o affidavit ng mga witnesses.

Giit ng kanilang kampo na hindi umano buo ang reklamong isinampa laban sa senador sa ilang kalakip na pahina at sinasabing nawawalang mga annex.

Ayon sa Department of Justice, ang isinagawang pagdinig ng preliminary investigation ngayong araw ay kaugnay sa mga reklamong Direct Bribery, Corruption of Public Officials, at Malversation through Falsification ng paglabag sa Republic Act 9184 at 3019.