-- Advertisements --
image 199

Naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China kaugnay sa insidente ng paggamit ng Chinese Coast Guard vessel ng military-grade laser kabilang ang mapanganib na pag-maniobra nito habang isinasagawa ang resupply mission para sa tropa ng Pilipinas na naka-istasyon sa may Ayungin Shoal.

Sa inihaing protest ng DFA sa Chinese Embassy sa Manila ngayong araw, February 14, kinondena nito ang harassment, mapanganib na pag-maniobra, pagtutok ng military-grade laser at illegal radio challenge ng Chinese Cost Guard vessel 5205 laban sa Philippine Coast Guard vessel na BRP Malapascua na nangyari noong Pebrero 6 ng kasalukuyang taon.

Ayon pa sa DFA, ang naging aksiyon ng Chinese Coast Guard laban sa Philippine vessel ay banta sa soberanya at seguridad ng ating bansa bilang isang estado at panghihimasok sa sovereign rights at hurisdiksiyon sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Iginiit din ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na mayroong prerogative ang Pilipinas na magsagawa ng mga lehitimong aktibidad sa loob ng exclusive economic zone at continental shelf at walang law enforcement rights o kapangyarihan ang China sa loob at labas ng Ayungin shoal o anumang bahagi ng EEZ ng Pilipinas.

Kaugnay nito, nagpahayag din ng suporta ang Amerika para sa Pilipinas na matagal ng kaalyado nito laban sa harassment at tinawag ang naging hakbang ng China na isang “provocative at unsafe”.

Binigyang diin din ng US na ang anumang armadong pag-atake sa armed forces ng Pilipinas, public vessels o aircraft kabilang ang Coast Guard sa may West Philippine Sea ay maguudyok sa commitments ng US alinsunod sa Article 4 ng 1951 US Philippines Mutual Defense Treaty.