-- Advertisements --

Muli na naman umanong naghain ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa pagbabalik ng mahigit 100 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef na isang area sa West Philippine Sea.

Sa isang statement, sinabi ng DFA na iligal umanong nag-o-operate ang naturang mga vessels sa maritime waters ng Julian Felipe Reef na isang low tide elevation ay sakop ng Pilipinas.

Ayon sa DFA ang presensiya raw ng mga Chinese vessels sa bansa ay salungat sa international law kabilang na ang nakasaad sa1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang final at binding 2016 Arbitral Award.

Paglabag din umano ito sa commitment ng China sa ilalim ng 2002 Declaration on the Conduct of Parties sa West Philippine Sea partikular ang pagpapatupad ng self-restraint.

Kung maalala, noong Marso 2021, nasa 200 Chinese vessels ulit ang nasa Julian Felipe Reef na naging dahilan ng paghahain ng bansa ng serye ng diplomatic protests.

Pagkatapos ng protesta ay karamihan naman daw sa mga vessel ay umalis na sa lugar pero mayroon pa ring nanatili doon.

Sinabi pa ng DFA na ang presensiya ng Chinese vessel sa Julian Felipe Reef ay hindi lamang iligal pero nagiging sanhi rin ito ng instability sa rehiyon.

Dahil dito, nanawagan ang DFA sa China na sumunod sa kanilang mga obligasyon na nasa ilalim g international law.

Kailangan din umanong itigil ng China ang pagpapakita ng “illegal at irresponsible behavior” para maiwasan ang ano mang maritime conflicts.

Hiniling din ng bansa na agad nang tanggalin ng China ang kanilang mga vessels sa Philippine maritime waters.