-- Advertisements --

Nilagdaan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pangunguna ni Sec.  Henry Aguda ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Konektadong Pinoy Act, isa sa mga pangunahing batas na itinuturing na priority measure ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at bahagi ng mga direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas.

Layunin ng Konektadong Pinoy Act na pabilisin ang koneksyon sa internet, pababain ang halaga ng serbisyo, at palawakin ang access sa internet, lalo na sa mga unserved, underserved, at GIDAs o geographically isolated and disadvantaged areas.

Ayon kay Sec. Aguda, ang nasabing batas ay nilagdaan noong Agosto 24, 2025 at naging epektibo noong Setyembre 14, 2025. Pagkatapos nito, inatasan ang DICT at iba pang ahensya ng pamahalaan na buuin ang IRR sa loob ng 90 araw. 

Isinagawa ng ahensya ang serye ng konsultasyon at workshop sa mga lungsod ng NCR, Cebu, at Davao, at nakatanggap ng mahigit 50 position papers mula sa pribado at pampublikong sektor.

Isa sa mga mahahalagang probisyon ng bagong IRR ay ang pagbubukas ng data transmission industry sa mas maraming kwalipikadong players. Nangangahulugan ito na kahit walang congressional franchise, maaaring makapagserbisyo ang mga kumpanya basta’t pumasa sa technical at security standards ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Aguda na ang bagong IRR ay magdudulot ng bukas at patas na kumpetisyon sa industriya ng telekomunikasyon. 

Inaasahang magbabalik ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa sektor ng telekomunikasyon sa pagpapatupad ng Konektadong Pinoy Act.