Naninindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang gagawing imbestigasyon laban kay dating Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na nahuling minamaltrato ang kaniyang 51-anyos na kasambahay.
Ito’y matapos ang inihayag na suporta ng dalawang grupo, na binubuo ng mga dating diplomats ng bansa, para sa kontrobersyal na envoy.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi nila batid ang existence ng tinaguriang “Department of Foreign Affairs Career Officers Corps’ at “Retired Ambassadors Association.”
Ayon sa DFA, kung anomang statement ang inilabas ng dalawang grupo na ito ay hindi kumakatawan sa posisyon ng ahensya hinggil kay Mauro.
Mananatili aniya ang kanilang layunin na resolbahin ang isyu alinsunod sa nakasaad sa batas.
Naging mainit ang isyu ni Mauro matapos ilabas ng isang pahayagan sa Brazil ang CCTV footages kung saan makikitang sinasaktan nito ang kaniyang Pinay helper sa loob mismo ng diplomatic residence.
Sa ngayon ay nakabalik na ng bansa si Mauro at nagpahayag na rin ang kampo ng kaniyang dating kasambahay na handa umano itong tumestigo laban sa dati niyang amo.