Ipinauubaya na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga local government units ang desisyon kung nais nilang gawing requirement pa rin ang RT-PCR test result sa mga incoming travelers.
Ito ang pinal na napagkasunduan ng IATF-EID, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III kasunod na rin ng kanilang pulong kahapon, Hulyo 8, kasama ang ilan sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan.
Magugunita na kamakailan lang ay marami ang nalito sa direktiba ng IATF-EID na hindi na kailangan ang RT-PCR test result sa mga fully vaccinated na mga biyahero.
Inalmahan ito ng ilang opisyal ng mga lokal na pamahalaan, dahilan para muling pag-usapan ito ng IATF-EID.
Sa ngayon, malinaw sa pinal na desisyon ng IATF-EID na ang mga lokal na pamahalaan na ang magdedesisyon kung nais pa rin nilang gawing requirement ang RT-PCR test result sa mga biyahero na papasok sa kani-lanilang mga lugar.
Ang mga LGUs na aniya ang bahala sa kanilang sariling risk assessment gayong sila rin naman talaga ang nakakaalam ng sitwasyon sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Sa mga LGUs naman na tatanggap ng vaccination cards sa mga incoming travelers, sinabi ni Duque na ginagawa na ng Department of Information and Communication Technology ang tinatawag na “digital vaccine certification” ng pamahalaan.
Nangako aniya ang DICT na kanilang i-encode at i-upload ang 90 percent ng total vaccinated na mga indibidwal pagsapit ng Hulyo 31.