-- Advertisements --

Patuloy na nagpapakita ng paggaling ang Queen of All Media na si Kris Aquino sa kanyang autoimmune disease ayon ito sa malapit na kaibigan ni Kris na si Dindo Balares.

Sa isang post sa social media ibinahagi ni Balares ang mga larawan ng aktres na kahit hirap sa mga simpleng gawain gaya ng pagtayo o pagpunta sa banyo, pinipilit pa rin aniya nitong maging independent.

Naikwento rin niyang ilang beses nang nadapa si Kris dahil sinusubukan nitong gawin ang mga bagay mag-isa.

Pinuri pa ni Balares ang naging desisyon ni Kris na mamuhay sa isang pribadong beach resort na aniya’y nakakatulong sa kanyang unti-unting pagbangon.

Nagpakita rin ng pagbabago ang kanyang timbang na mula sa 82 pounds noong Enero ng taong ito umabot na si Kris sa 112 pounds, indikasyon na nagpapabuti ng kanyang kalagayan.

Nagpasalamat si Balares sa mga patuloy na nagdarasal para sa kalusugan ni Kris, at nilinaw na hindi totoo ang kumakalat na impormasyon na siya’y may kanser. Aniya, hindi kailanman na-diagnose si Kris na may cancer, at ang mga gamot na tinatanggap nito ay para sa autoimmune diseases lamang.

Ibinahagi rin ni Loi Villarama na malaki ang naitulong ng masaganang pagkain ni Kris, kabilang ang prutas, gatas na may ice cream, tsokolate, at banana spring rolls sa kanyang pagdagdag ng timbang.