-- Advertisements --

Bukas ang pamunuan ng Bureau of Corrections sa anumang imbestigasyon hinggil sa umanoy paglabag sa karapatan ng ilan sa mga bilanggo sa kanilang piitan.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., wala silang itinatago habang ipinagmalaki nito ang kanilang ahensya bilang pinaka transparent sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Catapang na buo ang kanilang suporta at kooperasyon sa anumang isasagawang imbestigasyon.

Ginawa ni Catapang ang pahayag kasunod ng panawagan ng isang organisasyon na Kapatid sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon laban sa BuCor at silipin kung paano nito ginagastos ang kanilang budget.

Ang apela ng grupo ay ginawa matapos na hindi payagang makapasok sa loob ng prison facilities ang tagapagsalita ng Kapatid na si Fides Lim.

Sinabi ni Lim na ipinatupad umano ng BuCor ang irrational, arbitrary, at oppressive procedures sa kanya para sa pagbisita sana sa mga political prisoners.

Ayon naman kay Catapang, ang naging habitual misconduct ni Lim ay nagdudulot ng banta sa stability ng mga correctional facilities.

Giit ng opisyal na makailang ulit na nitong nilabag ang security measures dahilan para pagbawalan itong makapasok.