Dumating ngayong araw sa Department of Justice ang kasalukuyang kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Secretary Jonvic Remulla.
Personal itong bumisita sa kagawaran upang aniya’y mapag-usapan ang pormal na paglilipat o transitioning ng Bureau of Jail Management and Penology sa Bureau of Corrections.
Ayon sa kalihim, layon nilang mapag-isa ang dalawang ito na inaasahang maisasakatuparan sa susunod na taon ng 2026.
Dagdag niya’y makatutulong ang ‘transitioning’ para gawin o mapag-isa ang records ng mga ‘persons deprived of liberty’ o PDLs na may kasong kinakaharap.
Habang sa panayam kasama ang kalihim, kanyang kinumpirma na nakatanggap ang kagawaran ng mga ‘reports’ mula sa mga Local Government Units o LGUs.
Patungkol aniya ito sa maanomalyang mga proyekto kung saan iniulat ang mga nadiskubreng ‘substandard’ at ‘ghost projects’ sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay Sec. Remulla, kanilang iko-compile ang mga report na mula din sa mga alkalde, governor, o local government officials.
Inaasahang isusumite ang compilation ng reports sa katapusan ng buwan sa opisina ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Samantala, tiniyak naman ni Sec. Jonvic Remulla ang kahandaan para sa epektong dulot ng bagyong Paolo sa bansa.
Naalertuhan na ang Office of the Civil Defense; mga evacuation centers ay sinegurong nakahanda na ayon sa kalihim.
Maging ang food packs na ipamimigay ng Department of Social Welfare and Development ay kanyang sinabing inihanda na rin.
Ang naganap namang lindol sa Cebu partikular sa lungsod ng Bogo na natuklasang posibleng may isyu ang itinayong gusali ng city hall ay ipinasisilip na rin ng kalihim.
Buhat nito’y direktiba niya sa mga lokal na pamahalaan sa kaganapang lindol ay matiyak ang di’ pagkakaroon ng looting, nakawan sa mga bahay at pati sexual abuse.