-- Advertisements --

Plano ng Department of Education (DepEd) na kumuha ng higit 30,000 bagong guro sa pampublikong paaralan sa 2026 upang mabawasan ang siksikan sa silid-aralan at suportahan ang instructional recovery sa harap ng mataas na bilang ng mga mag-aaral.

Ayon sa DepEd, kabilang ang 32,916 proposed Teacher I positions sa 2026 National Expenditure Program (NEP). Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng recruitment plan na tugunan ang kakulangan ng guro na nakaaapekto sa kalidad ng pagtuturo.

Kasama rin sa staffing proposal ang School Principal I at School Counselor Associate positions para punan ang leadership gaps at palakasin ang guidance at mental health services sa paaralan.

Ayon sa DepEd, bahagi ito ng mas malawak na reporma sa workforce upang mapabuti ang operasyon ng paaralan at matutukan ng mga guro ang pagtuturo. Ilan sa mga bagong polisiya ng DepEd sa ilalim ni Angara ay ang Inclusive Employment Policy, revised rules sa overtime at overload pay, at workload rationalization.

Sinabi ni Angara na “historic” ang 2026 budget dahil sa sabay-sabay na pagtugon sa pangangailangan sa guro, suporta sa paaralan, at paghahanda sa bagong kurikulum. Ang pinal na alokasyon ay nakadepende sa pag-apruba ng 2026 General Appropriations Act na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso.(REPORT BY BOMBO JAI)