Ipinag-utos ngayon ng Department of Health sa lahat ng nasasakupan nito na ipagpatuloy ang “heightened surveilance” nito partikular na sa mga biyaherong magmumula sa bansang China.
Sa gitna ito ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bansang nasa Silangang bahagi ng Asya.
Sa ilalim ng Memorandum No. 2022-0578, inatasan ng kagawaran ang lahat ng Centers for Health Development (CHD) na tiyakin ang tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan nityo sa mga concerned agencies at mga lokal na pamahalaan para sa pagmomonitor sa kani-kanilang mga lugar.
Ipinag-utos din ng DOH sa mga nasabing center na tumulong sa pinaigting pa na pagpapatupad ng border control protocol sa lahat ng entry ports ng bansa.
Nakasaad din sa inilabas na kautusan ng ahensya na dapat ay ipagpagtuloy ng lahat ng CHD ang mahigpit na implementasyon ng Updated Guidelines ng Minimum Public Health Standards alinsunod sa Department Memorandum 2022-0433.
Samantala, una rito ay inatasan na rin ng Health Department ang Bureau of Quarantine na pag-ibayuhin din ang lahat ng quarantine protocols sa mga papasok sa bansa na mula sa China.
Sa ngayon ay kinakailangan din na makapagpakita ng negative pre-departure antigen o RT-PCR test result ang lahat ng mga hindi pa fully vaccinated laban sa COVID-19 na mga foreign travelers.
Kaugnay nito ay nag-anunsyo na rin ang mga bansang Estados Unidos, Italy, Japan, India, at Malaysia na magdagdag din ng health mearsures para sa mga travelers nito na magmumula rin sa China.