Binigyang-diin ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang pangangailangang mapanagot ang lahat ng mga sangkot sa iskandalong bumabalot sa flood control project sa bansa.
Ito ay upang maibalik at mapatatag pa lalo ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Ayon kay Teodoro, kaisa siya ng maraming Pilipino na umaasang may mananagot sa anomalyang bumabalot sa mga flood control at iba pang public infrastructure project ng pamahalaan.
Bagaman sa ngayon ay may mangilan-ilang pangalan aniyang lumalabas, dapat ay mapanagot ang lahat ng mga idinadawit at responsable sa malawakang korapsyon.
Nanindigan ang kalihim na isang malaking krimen ang ginawa ng mga responsable sa multi-billion peso scandal, na isang hayagang paglapastangan sa tiwala ng publiko.
Samantala, naiintindihan din umano ng kalihim ang galit ng mga mamamayan na nagtungo sa lansangan at nanawagan para sa pagpapanagot sa mga opisyal at contractor na nakinabang sa naturang isyu.
















