-- Advertisements --

Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi magkasalungat ang kanilang posisyon ni Pang. Rodrigo Duterte sa isyu sa West Phl Sea partikular ang panghihimasok ng China sa EEZ ng bansa.

Sa isang statement binigyang diin ni Lorenzana na ang kanyang binibitawang mga pahayag kontra sa okupasyon ng China sa karagatan ng Pilipinas ay alinsunod sa kagustuhan ng Pangulo.

Malinaw aniya ang utos sa kanila ng Pangulo na ipagtanggol ang pag-aari ng Pilipinas nang hindi magdedeklara ng giyera at panatilihin ang kapayapaan sa karagatan.

Ayon kay Lorenzana, ang Pilipinas at China ay may magandang relasyon at kooperasyon sa mga larangan kung saan kapwa nakikinabang ang dalawang bansa.

Maari naman aniyang maging maayos ang samahan ng Pilipinas at China, pero hindi hanggang sa punto na isasakripisyo ng Pilipinas ang kanyang soberanya.

Hindi ititigil ng Pilipinas ang pagsasagawa ng mga maritime patrols sa West Philippine Sea.

Giit ni Lorenzana, “walang alisan” ang mga patrol ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Kalayaan island group at sa West Philippine Sea.

Aminado ang kalihim na mas malakas ang China sa Pilipinas, pero hindi aniya nito matitinag ang determinasyon ng Pilipinas na itaguyod ang kanyang pambansang interes.

Pinalawig ng Pilipinas ang pagpapatrulya sa karagatan matapos na iulat ang presensya ng mahigit 200 barko ng Chinese Maritime militia sa iba’t ibang lugar sa loob ng Exclusive Economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea simula noong Marso.

Tuloy tuloy din ang paghahain ng Department of Foreign Affairs ng Diplomatic protest sa patuloy na presensya ng mga barko ng China sa EEZ ng bansa.