Ibinabala ng Philippine Space Agency (PhilSA) na posibleng bumagsak sa West Philippine Sea (WPS) ang debris ng Long March 7 rocket na inilunsad ng China nitong umaga ng Martes, Hulyo 15.
Ayon sa ahensiya, maaaring bumagsak ang debris sa ilang drop zones na tinatayang nasa 33 nautical miles mula Bajo de Masinloc, 88 nautical miles mula Cabra Island sa Occidental Mindoro, 51 nautical miles mula Recto Bank, at 118 nautical miles mula Busuanga, Palawan.
Inilabas ang detalye hinggil sa posibleng pagbagsakan ng rocket debris bago pa man ito ilunsad ng China sa pamamagitan ng notice to airmen bilang babala sa mga flight activity sa himpapawid.
Bagamat hindi naman inaasahang babagsak ang rocket debris sa mga kabahayan, nagbabala ang PhilSA sa posibleng panganib nito para sa mga barko, sasakyang panghimpapawid at bangkang pangisda na nasa bisinidad ng mga natukoy na drop zones.
Gayundin ang posibilidad na paglutang at pagkatangay nito patungo sa mga karatig na baybayin.
Kaugnay nito, muling hinihimok ng ahensiya ang publiko na iulat sa mga lokal na awtoridad sakaling mamataan ang hinihinalang rocket debris at huwag hahawakan dahil sa delikadong materyales nito.