Sumampa na sa anim ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Crising at Habagat sa bansa dahil sa mga pagbaha dulot ng matitinding pag-ulan.
Base sa ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang tatlong nasawi mula sa Northern Mindanao at tig-isa sa MIMAROPA, Davao Region at Caraga.
Subalit sa ngayon, tanging dalawa pa lamang mula sa anim na napaulat na nasawi sa pananalasa ng bagyo at habagat ang kumpirmado na.
Ang natukoy na isang biktima ay mula sa Barangay Población sa Mambajao, Camiguin na nabagsakan ng puno noong Hulyo 19. Isinugod pa ito sa pagamutan subalit idineklarang wala ng buhay dahil sa natamo niyang trauma secondary to external injury.
Ang isa pang biktima ay mula sa Barangay Matin-ao sa Mainit, Surigao del Norte, na nakasakay noon sa motorsiklo mula sa bahay ng kaniyang kaibigan nang matamaan siya ng tumumbang puno.
Ayon sa ahensiya, lima na din ang napaulat na nasugatan habang anim naman ang napaulat na nawawala.
Sa ngayon, pumalo na sa mahigit 1.2 milyong indibidwal o katumabs ng mahigit 300,000 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Crising, habagat at low-pressure area (LPA) sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban lamang sa Eastern Visayas.
Kung saan nakapagtala ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, pagbagsak ng mga struktura at tornado sa mga apektadong lugar.