TACLOBAN CITY – Lagpas na sa isang daan ang bilang ng mga namatay sa buong Eastern Visayas dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa inisyal na tala ng Police Regional Office-8 (PRO8), aabot na sa 113 ang death toll sa rehiyon matapos na madagdagan ang bilang ng mga narekober na bangkay sa Baybay City at Abuyog, Leyte kung saan nangyari ang ilang mga landslides.
Mula sa mahigit 40 na casualties sa Baybay City, domoble pa ito at naging 81 na sa ngayon, 31 naman sa bayan ng Abuyog at isa sa Motiong, Samar.
Umabot naman sa 236 ang bilang ng mga biktimang nagtamo ng injuries dahil sa landslides at mga pagbaha.
Sa ngayon ay nananatili sa mga ospital at sa 52 evacuation centers ang mga survivors at ang mga nailigtas ng mga otoridad.
Aabot rin sa 192 na mga lugar sa rehiyon ang wala pang suplay ng kuryente sa ngayon at 29 na mga kalsada ang hindi pa rin madaanan dahil sa pinsala ng bagyo.
Patuloy naman ang ginagawang rescue operations sa mga lugar na pinangyarihan ng landslides kung saan pahirapan para sa mga rescuers ang kanilang ginagawang operasyon.
Ayon pa kay Brig. Gen. Bernardo Banac, regional director ng Police Regional Office-8, nahihirapan ang mga rescuers na pasukin ang mga areas kung saan nagkaroon ng landslides dahil sa maputik na daan na kahit gumamit ng heavy equipment ay lumulubog pa rin sa lupa.
Dahil dito manual ang isinasagawang operasyon ng mga rescuers kung saan sa ngayon ay mahigit 1,000 mga kapulisan na ang naka-deploy.
Patuloy naman ang pakipag-ugnayan ng PRO-8 sa NDRRMC upang matukoy ang aktwal na bilang ng mga nasawi at sugatan dahil sa bagyo.