-- Advertisements --

Nagiwan ng mga paalala sa mga kapulisan si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na panatilihin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa araw ng halalan at manatili ring neutral sa araw na ito upang maging tutok ang mga ito sa kanilang tungkulin. Ito ay alinsunod pa rin sa naging panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing malinis at maayos ang halalan ngayong taon na ito.

Ani Marbil, dalawa lang ang pangunahing misyon ng PNP kada magkakaroon ng eleksyon at una rito ay ang tiyaking ligtas ang mga botante at ang publiko at ang pangalawa naman ay ang pagpapanatili ng neutralidad ng kanilang hanay nang maiwasan ang pagiging sangkot ng mga ito sa mga away pulitika.

Dagdag pa ng hepe, hindi dapat narito ang kapulisan para magsilbi o pagsilbihan ang interes ng politika ngunit para pagsilbihan ang taong bayan at ang demokrasya ng bansa.

Ang mga naging pahayag na ito ng hepe ay kasunod ng umiigting na mga political activities sa buong bansa kasabay ng lumalaking pangamba ng publiko tungkol sa mga umano’y pagkakaroon ng kinikilingan ng ilan sa kanilang hanay.

Binigyang diin ni Marbil na ang sinumang pulis na masasangkot sa patisan political o magkaroon ng mga partisipasyong politikal ay agad na kakasuhan ng mga administrative cases at maaari ring matanggal sa serbisyo.

Sa huli ay binigyang diin din ng hepe ang mga gampanin ng PNP para sa halalan ay ang pagtitiyak na ang mga pilipino ay makakaboto ng malaya at hindi nakakaramdam ng takot.

Samantala, hinimok din ni Marbil ang mga commanders at regional directors na bantayang maigi ang kanilang mga tauhan at agad na ipagbigay alam ang mga inidkasyon ng maaaring pangingialam ng mga ito sa usaping politikal.

Tiniyak rin ni Marbil sa publiko na mananatili ang kanilang hanay na maninindigan para sa pagtatanggol ng demokrasya na nakatuon sa paghahatid ng mapayapa, maayos at tapat na halalan.