Pinapurihan ni Congresswoman-elect Leila de Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list ang quad-committee ng Kamara matapos isumite nito ang final report sa plenaryo noong Martes ng gabi, Hunyo 10.
Ayon kay De Lima, ginampanan nang buong husay ng quad-comm—pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers—ang mandato nitong magsiyasat sa mga krimeng kinakaharap ng bansa.
Ani De Lima, naibunyag ng quad-comm investigation ang isang sabwatan para sirain ang bayan sa pamamagitan ng sugal, ilegal na droga, at katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno, sa tulong ng Chinese mafia at mga traydor na Pilipino.
Tinawag niyang ‘milestone’ ang mga pagdinig, na nagsimula pa noong Agosto 2024.
Tinutukan ng komite ang koneksyon ng POGO operations, extrajudicial killings (EJKs), money laundering, ilegal na droga, at ang madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pormal na nagtapos ang imbestigasyon noong Hunyo 9 matapos ang 15 sunod-sunod na marathon hearings.
Itinuturing na pinaka-high-profile na testigo sa mga pagdinig si dating Pangulong Duterte, na humarap sa panel sa isang sesyon na umani ng 1.9 milyong views sa official livestream ng Kamara. (REPORT BY BOMBO JAI)