Hinamon ni Congresswoman-elect Leila de Lima si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na bumalik sa Pilipinas at harapin ang mga kasong kinahaharap nito.
‘Ang pinakamensahe ko lang sa kanya, bumalik na sya dito. Harapin niya, harapin niya yung mga akusasyon laban sa kanya. Huwag siya dapat nagtatago sa ibang bansa o… under the application for asylum ay ganun na lang [na] hindi siya babalik dito para harapin,’ ani De Lima.
Sa panayam kay De Lima, sinabi nito na hindi dapat nagtatago si Roque sa ibang bansa at dapat ay panagutan niya ang mga akusasyon, kabilang ang pagkakasangkot sa umano’y scam hub ng Lucky South 99.
Mababatid na inilabas ang warrant of arrest laban kay Roque at sa 49 na iba pa mula sa Pampanga RTC kaugnay ng kasong qualified human trafficking.
Giit ni De Lima, bilang abogado, alam ni Roque na ang pagtakbo ay indikasyon ng pagkakasala.
‘May warrant of arrest na at alam naman niya yan bilang isang abogado na there is such a principle or a dictum in law that flight is indicative of guilt. So dapat harapin niya,’ dagdag ni De Lima.
Kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands si Roque, kung saan siya’y humihingi ng asylum matapos umanong mag-resurface doon kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.