Posible pang madagdagan pa ng panibagong kaso ang isang pulis, na nasa restricted custody, na nanaksak ng kapwa niya pulis sa loob ng Camp Crame ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG Spokesperson PMaj. Helen Dela Cruz, lumalabas sa inisyal na ulat na dadalo sana ang dalawa sa isang preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) para sana sa mga kinahaharap nitong mga criminal at administrative cases hinggil sa robbery sa ikinasang raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operating (POGO) company sa Bataan noong 2024.
Bagama’t nasa maayos naman na kondisyon ang biktima na nagtamo ng saksak sa likod dahilan ng pagkakabaon ng isang patalim na mayroong halos pitong pulgada ang haba, kinailangan pa rin itong isailalim sa isang operating procedure.
Samantala, dahil sa insidente, mananatili sa kustodiya ng CIDG ang suspek habang nagpapatuloy na inihahanda ang mga karagdagang kasong kriminal na nakatakda namang isampa sa kaniya.
















