Suportado ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang i-livestream ang lahat ng deliberasyon ng Kongreso para sa pambansang pondo sa susunod na taon.
Sa idinaos na Quezon Educator’s Research Convention sa Lucena City ngayong Sabado, Agosto 16, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa kaniyang mensahe na sinusuportahan niya na gawing mas accessible sa publiko ang lahat ng budget deliberations gayundin ang bicameral conference committee proceedings.
Layunin aniya nito na mas mapatibay pa ang transparency at mas aktibo ang partisipasyon ng bawat Pilipino sa pagbabantay sa pambansang pondo.
Sa kaniya ding mensahe, ipinunto ni Sec. Pangandaman na ang sektor ng edukasyon pa rin ang may pinakamalaking investment sa pambansang pondo sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang edukasyon ay higit pa sa isang aligned item sa national budget kundi nagsisilbi itong “heartbeat” ng kinabukasan ng ating bansa.
Sa ilalim ng proposed national budget sa 2026, ayon sa kalihim kabuuang P1.224 trillion ang alokasyong pondo para sa edukasiyon na lagpas pa sa itinakdang target ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Matatandaan noong Miyerkules, Agosto 13, opisyal ng itinurn-over ng DBM ang 2026 National Expenditure Program o panukalang pondo ng Pangulo na P6.793 trillion sa Senado at House of Representatives.
Mas mataas ito ng 7.4% mula sa PHP 6.326 trillion na pambansang pondo ngayong 2025.