-- Advertisements --

Wawakasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang palakasan system sa mga farm-to-market road projects (FMR).

Ginawa ng Pangulong Marcos ang pahayag sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa P105 milyong halaga ng umanoy ghost projects na farm-to-market roads sa Mindanao.

Sa pahayag ng Pangulo sa inagurasyon ng Union Water Impounding Dam sa Claveria, Cagayan, sinabi nito na lahat ng mga gagawing farm-to-market roads ay oobligahin na magkaroon ng national masterplan sa halip na political connections o mga alyado sa Partido pulitikal.

Hindi na aniya magiging kagaya ng dati na idadaan sa palakasan, kaibigan, kapartido ang mga proyekto kahit na walang plano.

Ayon sa Pangulo, kinukunsulta na ngayon ng administrasyon ang mga gobernador at mga mayors para I validate ang mga farm to market roads roadmap para masiguro na ang mga proyekto ay base sa aktuwal na demand at hindi isang political patronage.

Siniguro ng Pangulo na hindi lang mga farm to market roads ang tututukan ng gobyerno kundi pati ang farm to market bridges.