-- Advertisements --

Nasabat ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga smuggled na sigarilyo lulan ng isang pribadong sasakyan sa Iligan City.

Ayon kay HPG Acting Dir. PCol. Hansel Marantan, apat ang naaresto sa insidente kung saan isa dito ay bineripika bilang isang pulis na kasalukuyang nasa serbisyo.

Kwento ni Marantan, nilampasan ng sasakyan ang kanilang checkpoint dahilan para habulin ng kanilang mga tauhan ang naturang SUV.

Sa naging inspeksyon, tumambad sa pulisya ang mga smuggled cigarettes kasama ang isang Glock 17 Gen 4 9mm na baril na napagalamang pagmamay-ari ng pulis na naaresto sa operasyon.

Maliban dito, isang menor de edad rin na nasa edad ng 14 anyos ang nahuli sa naturang operasyon at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) para sa pagbibigay ng mga proper interventions.

Samantala, sa pagtataya naman ng HPG, aabot ng hindi bababa sa P150,000 ang street value ng mga nasabat na kontrabando habang nahaharap naman sa mga kasong resistance and disobedience sa ilalim ng Article 151 of the Revised Penal Code, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.