-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na kinansela na ng Procurement Service ng DBM (PS-DBM) ang membership sa Philippine Government Electronic Procurement System ng 9 na kompaniyang konektado kay Sarah Discaya.

Ibig sabihin, pagbabawalan na ang mga ito na makilahok sa government procurement sa hinaharap.

Sa isang statement ngayong Lunes, Setyembre 8, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na kinikilala ng PS-DBM ang responsibilidad nito na tumulong sa ibang sangay ng pamahalaan at kawani sa pagtiyak na walang korupsiyon lalo na sa public procurement.

Binigyang diin din ng kalihim na ang PH government electronic procurement system ang pangunahing pinagkukunan ng government procurement information at main channel para sa lahat ng aktibidad ng gobyerno para sa procurement.

Nananatili namang naka-high alert ang PS-DBM sa pagkansela sa memberships ng SYMS Construction Trading at Wawao Builders sa oras na mag-isyu na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng official blacklisting order.

Ginawa ang naturang hakbang kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ma-blacklist ang mga kontraktor na sangkot sa katiwalian sa flood control projects na makakaapekto sa mas marami pang mga kompaniya.