-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi nakikilahok ang mga mambabatas sa pagbalangkas sa National Expenditure Program (NEP) o ang pondo ng Pangulo.

Ipinaliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nangyayari ang pakikipag-koordinasyon sa mga mambabatas sa lebel ng ahensiya gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi sa mismong budget department.

Binigyang diin din ni Budget ASec. Rolando Toledo na istriktong binabalangkas ng ehekutibo ang NEP at walang nalalaman ang DBM sa mga proponent na nasa likod ng mga submission ng ahensiya.

Hindi din aniya sinusuri ng DBM ang mga proyekto maliban na lamang kung ito ay kabilang sa isinumiteng proposal ng departamento at mga ahensiya gaya ng DPWH.

Ginawa ng DBM officials ang pahayag matapos ihayag ni dating DPWH Sec. Manuel Bonoan nitong Martes sa Senate hearing na kabilang umano ang tinatawag na “leadership fund” sa paghahanda ng taunang pondo ng gobyerno. Sa leadership allocation, ipinaliwanag ni Bonoan na ilang Senador at district representatives ang humihiling na maisama ang prayoridad na mga proyekto sa pagbalangkas ng pambansang pondo.

Ito ang naging tugon ng dating kalihim matapos tanungin ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson kung paano isinisingit ng mga mambabatas ang pondo para sa mga proyekto sa ilalim ng National Expenditure Program.