-- Advertisements --

Nanindigan ang Tindig Pilipinas na hindi mahihinto ang mga kilos protesta sa bansa hanggat hindi nakakakita ng progreso ang publiko sa nagpapatuloy ana imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control ptojects sa bansa.

Sa isang panayam, inihayag ni Tindig Pilipinas Co-Convenor Kiko Aquino Dee na magsasagawa sila ng mga kilusan kada Biyernes hanggat walang maayos na progreso sa mga imbestigasyon na ito particular na sa mga ginagawang pagdinig ng Independent Commission on Infrastucture (ICI).

Ani Dee, ang progresong nais makita ng publiko at ng iba pang mga progresibong grupo ay ang pagsasampa ng mga kasong laban sa mga personalidad sa likod ng mga anomalyang ito at makitang may nakulong o nanagot sa aniya’y nakawan sa pondo ng bayan.

Giit pa niya, ilang buwan na kasi ang nakalipas simula nang matalakay ang isyu hinggil sa usapin ngunit wala pa ring nakukulong o nabibigvyang linaw sa mga naturang anomalya kaya naman maiintindihan kung bakit marami ang hindi satisfied sa nangyayaring imbestigasyon.

Samantala, magugunita naman na nitong Biyernes, Oktubre 10, nagsagawa na ng candle lighting ang ilang grupong bahagi rin ng Trillion Peso March sa EDSA Shrine bilang panawagan sa komisyon na maglabas ng mga progreso sa kanilang imbestigasyon.