Lumagda ang Department of Budget and Management (DBM) ng isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang University of the Philippines Nationwide Operational Assessment of Hazard Centers (UP-NOAH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng Digital Information for Monitoring and Evaluation (DIME) Project.
Sa isang statement, sinabi ng DBM na isa ito sa flagship initiatives ng ahensiya sa digitalization.
Ayon sa DBM, magpapalakas pa ang naturang proyekto sa pinahusay na transparency sa pamamagitan ng pagbibigay ng real-time visibility sa estado at progreso ng proyekto, pagpapaigting pa ng pananagutan at para mabawasan ang banta ng pagkaantala ng pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.
Makakatulong din aniya ito para sa mas malakas na kolaborasyon sa mga stakeholder sa pamamagitan ng pagbibigay ng unified platform para sa pagbabahagi ng impormasyon at updates, na magreresulta sa mas coordinated at epektibong pangangasiwa sa mga proyekto.
Ipinunto ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang pagkaantala sa mga proyekto ng pamahalaan ay pagkaantala rin sa pagbibigay ng maayos at magandang pamumuhay para sa mamamayang Pilipino.
Kasama naman ni Sec. Pangandaman sina DPWH ASec. Ador Canlas at UP Resilience Institute Executive Director Dr. Alfredo Mahar Francisco Lagmay sa lumagda sa naturang MOU.