-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na may kaukulang paliwanag ang Office of the President (OP) sa mas mataas na hiningi nitong budget para sa 2020.

Sa ipinasang proposed 2020 national budget sa Kongreso, nasa P8.2 billion ang hinihingi nitong budget kumpara sa P6.7 billion lamang nitong 2019.

Kung titingnan ang confidential at intelligence fund, nasa P1 bilyon ang itinaas ng budget nito na nasa P2.25 billion para sa 2020 mula sa dating P1.25 billion noong 2019.

Sinabi ni DBM Acting Secretary Wendel Avisado, hindi niya maiidetalye ang kada singko ng paglalaanan ng pondong ito dahil may kaugnayan ito sa national security ng bansa.

Gayunman, ayon kay Sec. Avisado, ang dagdag na pondo ay para tugunan ang isyu sa seguridad ng bansa lalo na may kinakaharap na banta sa West Philippine Sea.

Kinakailangan rin daw ang pondo para sa kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na magulo pa at nangangailangan rin ng suporta para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) normalization program.

Tiniyak naman ni Sec. Avisado na maisailalim pa rin naman ito sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaya matitiyak na magagamit sa tama ang pondo.