Nais ni Budget Sec. Wendel Avisado na magkaroon ng dagdag na pondo sa Kongreso para matugunan ang pangangailangan ng pamahalaan sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly.
Sa situation briefing, iniulat ni Sec. Avisado kay Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon na lamang natitirang P3.6 billion sa National Disaster Risk Reduction Management Fund (NDRRMF).
Ayon kay Sec. Avisado, tiyak na hihingi ng dagdag na pondo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para tugunan ang gastusin sa rehabilitation ng mga napinsala ng magkakasunod na kalamidad.
Inihayag ni Sec. Avisado na kabilang sa inaasahang hihingi ng dagdag na pondo ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA) at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Niliwanag naman ni Sec. Avisado na kinakailangan ding punan ang mga quick response fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para may magamit sa mga susunod pang kalamidad na posibleng manalasa pa sa bansa bago matapos ang taon.
“Iyong bigger requirements po natin as a result of — and the effects of Super Typhoon Rolly ay nandiyan naman si Senator Bong, we will work this out with Congress kung papaano po na matugunan ito dahil ongoing pa naman ‘yung usapin about the 2021 national budget at tingnan po natin kung pupuwede pong magawan ng paraan and Congress will understand the needs of our people in relation to the eventual passage and approval of the 2021 national budget po,” ani Sec. Avisado.