-- Advertisements --

Hinimok ng pamunuan ng BSP ang mas malawak na paggamit ng Philippine National ID sa pagbubukas ng account sa mga bangko.

Sa ginanap na National ID Forum, sinabi ng BSP na mas mainam rin na gamitin ito sa pagbubukas ng accounts sa iba pang mga financial institutions sa bansa.

Patuloy na isinusulong ng BSP na pag-isahin ang mga paraan para sa integrasyon ng pisikal at digital na bersyon ng National ID partikular na sa proseso sa pagberipika ng mga kliyente na nag aavail ng serbisyo ng mga bangko.

Kumpyansa si BSP Governor Remolona, malaki ang potensyal ng National ID sa financial inclusion, at dumarami ang benepisyo nito habang lumalawak ang gamit nito.

Kabilang sa mga rekomendasyon ang mas malawakang paggamit ng NIDAS ng PSA para sa real-time na beripikasyon ng pagkakakilanlan gamit ang biometrics at demographic data mula sa iba’t ibang format ng National ID.

Ang naturang forum ay dinaluhan ng kinatawan mula sa PSA, DICT, NPC, Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, World Bank, Korea Credit Information Services, at iba pang regulated financial institutions.