-- Advertisements --

Inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano na ipinapaaresto na ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Gen. Manager Royina Garma at apat na iba pa na siyang konektado sa pagpatay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020.

Sa isang pulong balitan, inihayag ni Tuano na nag-isyu ng isang warrant of arrest ang Mandaluyong RTC laban kay Garma, LtCol. Santie Fuentes, Mendoza, PCol. Eldilberto Leonardo, dismissed Nelson Enriquez at Jeremy Cauapin alyas “Toks” na siyang kasalukuyang nahaharap sa mga kasong murder at frustreated murder with no bail recommendation.

Ayon pa kay Tuano, marching order mula kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na agad na ipatupad ang implementasyon ng naturang warrant sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at maging sa lahat ng tauhan ng PNP.

Kasunod nito inamin din ni Tuano na wala pang sapat na impormasyon ang PNP hinggil sa kinaroroonan ni Garma at maging ng iba pang mga akusado sa kaso.

Matatandaan naman na nito lamang nakaraang buwan ay lumipad ng bansa si Garma patungong Malaysia bilang turista ilang araw matapos na makabalik ng bansa mula sa United States.

Habang patuloy din ang Task Force Manhunt ng Pambansang Pulisya sa paghahanap sa kinaroroonan ng iba ang mga akusado para sa implementasyon ng warrant of arrest.

Samantala, sa iba pang mga balita, kinumpirma rin ni Tuano na ni-recall na rin ng Police Security and Protection Group (PSPG) ang limang pulis na bahagi ng protective security personnel ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

Paliwanag ni Tuano, ang hakbang na ito ay bahagi lamang ng mandato ng PSPG lalo na at wala naman sa bansa si Co para kailanganin pa ng security detail.

Kasalukuyan kasing nasa ibang bansa si Co matapos na madawit ang kaniyang pangalan sa mga isyu at iregularidad sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nagbitiw na sa kaniyang pwesto si Co at na-revoke na rin ng Kamara ang kaniyang travel clearance na siya ring naguutos na bumalik sa bansa sa loob lamang ng sampung araw.

Sa kabila nito ay nananatiling no show sa publiko si Co na batay rin sa mga naging ulat ay nagtungong Singapore nitong Setyembre 16 at pumasok din ng Espaniya nito lamang nakaraang Miyerkules.