KALIBO, Aklan—Lubusan nang nakilala ng Special Investigation Task Group “Dayang” ang gunman sa pagpatay sa 89-anyos na peryodistang si Juan “Johnny” Dayang noong Abril 29, 2025.
Kinilala ni Police Regional Office VI Regional Director P/BGen. Jack Wanky ang suspek na si Kim Wency Bayang Antonio, alyas BB Boy, 39-anyos, dating gwardiya at residente ng Bacoor, Cavite, ngunit tubong Balugo Valencia, Negros Oriental.
Sa pamamagitan ng backtracking, natukoy ang kaniyang pagkakilanlan matapos na mahanap ang lodging house na pansamantala nitong tinuluyan mula noong Abril 3 sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Dagdag pa ni P/BGen. Wanky, tatlong beses na umupa ng iba’t ibang motorsiklo ang na ginamit sa pag-surveillance sa bahay ni Dayang sa Villa Salvacion, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.
Kinumpirma din nito na dating nahuli sa drug buy-bust operation sa Pasig, City noong Mayo 4, 2021 si Antonio kung saan, pinaniniwalaan ng SITG na nakalabas na ito sa Western Visayas.
Sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ng mga awtoridad sa isang security agency kung aktibo pa nilang empleyado ang suspek base sa nakita nilang identification card.
Sa kabilang dako, nag-alok ng P500,000 pesos na reward money ang Aklan provincial government at LGU-Kalibo para sa sinumang makapagbigay alam sa kapulisan para sa ikaaresto ng nasabing suspek.
Matatandaan na dead on arrival sa Aklan provincial hospital si Dayang matapos na magtamo ng tatlong tama ng bala sa kaniyang leeg at likod matapos na pinagbabaril ng ilang beses ng suspek habang nakaupo sa kaniyang rocking chair at nanonood ng telebisyon sa loob mismo ng kaniyang bahay.